Kung Kalimutan Mo Ako
Pablo Neruda
(Salin ni Bong Eliab)
Alam mo kung papaano ito:
Kung masulyapan ko
ang malakristal na buwan,
ang mapupulang sanga ng taglagas sa aking durungawan,
Kung dumampi sa akin
malapit sa apoy
ang malamultong abo
o ang kulubot na katawan na kahoy,
dinadala ako, lahat patungo sa 'yo
kung baga lahat ng bagay,
bango, ilaw, metal,
mga bangkang maliliit
naglalayag
tungo sa mga isla mong naghihintay sa akin.
Kung sakali ngayon
unti-unting ayaw mo na akong mahalin
`Di na rin kita mamahalin dahan-dahan.
Kung sakaling
bigla mo akong kinalimutan.
Huwag mo na akong hanapin,
Sapagkat matagal na kitang kinalimutan.
Kung pagnilayan mo ng matagal,
ang ihip ng mga bandilang
dumadaan sa buhay ko,
at nagpasya kang lisanin
ang dalampasigan ng aking puso
na aking kinaugatan,
alalahanin
sa araw ding iyon,
sa sandaling yaon,
Bibitaw ang aking mga kamay
at hahayo ang aking mga ugat
maghanap ng lupang madapuan.
Ngunit
kung sakaling sa bawat araw,
sa bawat sandali,
nararanasan mong ikaw ang aking kapalaran
ng may katamisang dumadaloy,
kung sakaling sa bawat araw
umaakyat ang isang bulaklak
sa iyong mga labi
tungo sa akin
Ah, irog ko, ah akin lamang,
sa loob ko bumabalik ang apoy,
sa loob ko walang nanamlay o nakalimutan,
buhay ng aking pag-ibig ang iyong pag-ibig, irog,
at habang buhay, iyong haplos
mananatili sa aking haplos.